Huwebes, Mayo 25, 2017

Kabanata 12–22: MGA KABANATA NG PAGKASAWI AT TRAHEDYA Buod ni Louie Jon Sanchez





Kabanata 12–22: MGA KABANATA NG PAGKASAWI AT TRAHEDYA
Buod ni Louie Jon Sanchez

Magsisimula ang pagpapatuloy ng salaysay sa Todos Los Santos sa bayan ng San Diego. Kababalik-balik lamang ni Ibarra, at nagtungo siya sa sementeryo ng bayan upang alamin kung ano ang nangyari sa labi ng kaniyang ama. Natagpuan niya roon at nakaharap ang sepulturerong napag-utusan ng kura na hukaying muli ang nailibing nang mga labi upang ilipat sa libingan ng mga Intsik. Nang usisain ng nananaghoy na anak kung nasaan na ang labi, sinabi ng sepulturero na ito’y hinayaan na lamang na lamunin ng lawa. Mas makabubuti raw umano ito kaysa maihanay sa mga sumakabilang-buhay na Intsik. Samantalang naituro kung saan unang nailibing ang ama, wala nang nagawa si Ibarra sa pagkawala ng katawan ng kaniyang ama.

Sa paglabas niya sa kampo santo, nakasalubong niya si Padre Salvi at sinugod ito, sa pag-iisip na ito ang kurang nag-utos ng paglapastangan sa kaniyang ama. Itinanggi naman ng pari ang paratang habang takot na takot. Nabuwal ang pari at tinulungang tumayo ng katulong nito.

Patuloy na nagsasalaysay ang nagkukuwento sa pagpapakilala naman sa katauhan ni Tasiong Baliw o Pilosopo Tasio. Nagbigay ng maikling talambuhay ang nagsasalaysay hinggil sa kaniya, habang nagninilay ito sa unos na nangyayari sa kaniyang tagpo habang kausap sina Don Filipo Lino at sa asawa nitong si Donya Teodora Viña o Doray. Si Pilosopong Tasio ay kilala sa kaniyang matinding karunungan at palabasa, at dahil doon ay madalas na hindi naiintindihan ng mga taga-San Diego.

Samantala, isang munti bagaman nakahihindik na kaguluhan ang nangyayari sa simbahan. Halos kasabay ng pagbuhos ng ulan ang pagbuhos ng kamalasan sa dalawang magkapatid na sakristan, sina Basilio at Crispin. Ang batang si Crispin ay napagbintangan ng sakristan mayor na nagnakaw ng dalawang onsa sa parokya. Dumadaing ang dalawa dahil sa paghihirap nila sa simbahan. Doble ang pagdaing nila sapagkat pinagbawalan itong umuwi. Higit na nahindik ang kuya nang tangayin ang kaniyang nakababatang kapatid upang ito ay maparusahan. Sa huli, tumakas ang bata upang uwian ang kanilang inang si Sisa, na mag-iisang linggo na nilang hindi nakikita.

Naghihintay naman ng ina ang kaniyang mga anak. Pinaghanda niya ang mga anak ng makakain at inabangan ang kanilang pagdating. Ngunit agad siyang binabaan ng kaba na may nangyayaring masama sa kaniyang mga anak. Dinatnan siya ng kaniyang asawang palainom at sugarol na si Pedro. Halos maubos ni Pedro ang kakanin ng kaniyang mga anak, at ipinagtanong sa asawa kung nasaan na sila. Umalis din ang asawang lalaki at iniwang muli si Sisa. Patuloy na naghintay si Sisa, binabagabag, nangungulila sa mga anak. Di naglaon, dumating ang anak na panganay, balisang kumakatok sa pinto. Pinagbuksan niya ito ng pinto ang nalaman niya ngang hindi kasama ng panganay ang kaniyang bunso. Nalaman niya rin ang nangyari sa simbahan. Nagpahinga ang mag-ina, habang sa isip ni Sisa, binabalak na niya ang pagpunta sa tanggapan ng prayle upang hanapin ang kaniyang hindi umuwing anak. Sa tangkang paghimbing, nabagabag ang kuya ng panaginip ng masamang pangyayari sa kapatid. Hindi niya ito inamin sa ina, at nang mag-usisa sa kaniya’y sinabing walang ano mang badya ang panaginip at nais na niyang tumigil magsakristan. Balak ng bata na kausapin si Ibarra na gawin na lamang siyang pastol nito sa kaniyang mga lupain.

Kinabukasan, nagtungo ang ina sa simbahan upang makipagkita kay Padre Salvi, na noong araw na iyon ay maysakit daw. Sa simbahan, naroroong nagpapalitan ng hinuha ang mga hermano’t hermana, na hindi nabigyan ng kumpisal ng pari at dahil doon ay masama ang loob dahil hindi nila nakuha ang inaasahang indulhensiya. Nagpapaligsahan pa sa dami ng indulhensiya ang mga ito. Samantalang ginagawa nila ito, nakita nila si Sisa na paakyat sa tinutuluyan ng prayle. Sinundan nila ang kinakabahan at naghahagilap na ina. Sunong ng ina ang gulay na ipanreregalo sana sa padre upang patawarin na ang mga anak, at sabihin ang balak ng anak. Lalo siyang nanlumo nang igiit ang pagnanakaw ng mga anak, at ang pagpapahuli sa mga ito sa mga guwardiya sibil. Lumabas si Sisa na nagugulumihanan, pilit na itinatago ang kaniyang pag-iyak sa paglabas niya sa lansangan.

Ang pagsasalaysay ay babalik sa patuloy na pag-alam ni Ibarra sa kinahinatnan ng kaniyang ama. Sa may lawa, sinamahan siya ng isang lalaki sa kung saan inilaglag ang katawan ni Don Rafael. Sa paglalakbay na ito sa lawa, muling nabalikan ni Ibarra ang kabutihan ng kaniyang ama, tulad ng pagtulong mismo nito sa kasamang nagtungo sa pook na iyon. Ang lalaking iyon ang guro sa parokya ni Padre Salvi, na halos sumuko na sa hirap ng pagtuturo at pangangailangang disiplinahin ang mga kabataan. Dito sinimulang isalaysay ang plano ni Ibarra na magtayo ng paaralan para sa San Diego.

Samantala, dadalo si Ibarra sa pulong ng Tribunal kung saan pagtatalunan ng mga konserbatibo’t matatandang pinuno at mga liberal at nakababatang kabesa ang kailangang mga pagkagastahan sa darating na pista. Nagbalak ang mga kabataan at liberal na baligtarin ang magiging diskusyon at ipanukala ang tiyak na mithi ng mga matatanda. Samantalang nagtagumpay sila at naipasa ang lihim na mithi, wala silang nagawa sapagkat nasa ng kura ang higit na mas magarbong pistahan. Si Ibarra naman, na nagbabalak magtungo sa kabisera ng probinsiya, ay nag-alok na magdala ng ano mang usaping nais nilang ipaayos.

Nagbalik ang pagsasalaysay sa kuwento ni Sisa, na tumatakbong lito pauwi. Nag-aalala siya para sa kaniyang mga anak. Nais niyang iligtas ang mga anak, lalo na si Crispin, na hindi pa rin niya alam ang naging palad. Nang makalapit sa bahay, nakita niyang naroroon ang mga sundalong sinisiyasat ang kanilang lugar. Kinuha ng isang sundalo ang kanilang inahin at saka sinunog ang kanilang bahay. Tinangka ni Sisa na umalis na lamang ngunit nakita siya ng isa sa mga guwardiya at inusisa. Nang hindi nila siya mapilit na ilitaw ang kaniyang mga anak, pinilit nila siyang madala sa kuwartel. Sa pakiusap ni Sisa, naglakad siya at ang mga guwardiya nang may distansiya, sa takot na mapahiya siya o makilala. Hindi siya nakaiwas sa kahihiyan dahil nakilala siya ng isang nakasalubong. Pagdating sa kuwartel, naghintay si Sisa sa alferez na agad naman siyang pinauwi bandang tanghali. Hindi naniwala ang alferez sa kura at sinabing gawa-gawa lamang ang reklamong pagnanakaw. Muling natagpuan ni Sisa ang sarili sa kalye at tinalunton niya ang landas pauwi. Sa pagbalik, natagpuan niya ang retaso ng damit ni Basilio, may bahid ng dugo. Wari bang tuluyang nawalan na ng bait si Sisa kalaunan at nagpalaboy-laboy na nga sa San Diego, hinahanap ang kaniyang mga anak.

Sa mga araw na ito, nagsisimula nang maging abala ang bayan sa paghahanda para sa darating na pista. Nasa kabisera pa ng probinsiya si Ibarra at nangamusta sa tahanan nina Maria Clara sa pamamagitan ng telegrama. Si Maria Clara naman, nakadarama ng kakatwa sa kurang tila binabantayan siya’t kung ano ang pinagsasabi sa kaniya. Sa pagbabalik ni Ibarra, ikinuwento niya rito ang napapansin, at ang pagnanais na umiwas dito. Nangatwiran naman si Ibarra na hindi maaaring umiwas sila sa kura, lalo na ang hindi ito anyayahan sa plano nilang piging at pamamasyal sa lawa. Nang magpaalam si Ibarra, lumapit sa kaniya si Pedro, ang ama ng dalawang batang sawimpalad at asawa ni Sisa. Humihingi ito ng tulong sa binata. Nagpatuloy ang usapan ng dalawa habang papauwi si Ibarra.

KALIGIRANG PANGKASAYSAYAN NG NOBELA; NOLI ME TANGERE



KALIGIRANG PANGKASAYSAYAN NG NOBELA

Ang nobela ay isang genre o uri ng panitikan ng modernong panahon. Sa isang pagkakataon, kinilala ito bilang isang modernong pag-aanyo ng klasikong epiko, kung saan madalas may bayaning dumaraan sa mga pakikipagsapalaran. Sa literal na pagpapakahulugan, ang ibig sabihin ng nobela ay “bago” (novel or new sa Ingles, novella sa Latin).

Ang nobela ay madalas na ipinapaliwanag bilang isang mahaba at kathang salaysay ng mga pangyayaring pinagsunod-sunod upang makalikha ng isahang epekto. Sa kumbensiyonal na pamamaraan, ang nobela ay madalas na sumusunod sa pag-unlad ng katauhan ng isang karakter. Isinasalaysay ng mga ganitong naisulat na nobela ang mga pagkamulat—pagbabagong mabuti o masama— ng tauhang bayani. Ang pagkamulat ay laging isang proseso ng pagharap sa mga pagsubok, pagkakatukoy at pagharap sa pinakasuliranin, at pananagumpay (kung ipinahihintulot).

Ang nobelang Noli Me Tangere ay maihahanay sa ganitong uri ng salaysayin sapagkat masasaksihan sa nobela ang pagkamulat ni Juan Crisostomo Ibarra sa kabuktutan ng kolonyal na pananakop, na noong una’y panananaligan pa niya sa mithing kilalanin ang Pilipinas bilang ganap na bahagi ng Espanya.

Isang kakatwang katotohanan ang pagbasa natin sa Noli Me Tangere sa pamamagitan ng salin. Hindi natin binabasa ang nobela sa orihinal nitong wika sapagkat iilan lamang sa atin ngayon ang may kakayahang bumasa ng Espanyol. Ngunit minahalaga itong nobela dahil sa Batas Rizal noong 1956. Ang batas na ito na kilala bilang Republic Act 1425 ay naglayong isama sa lahat ng kurikulum ng mga paaralan ang pagpapahalaga sa pambansang bayani. Kabilang sa mga pagpapahalagang ito ang pagpapabasa sa madla ng kaniyang dalawang nobela. Dahil dito, nagkaroon ng malaking espasyo sa pagpapasalin ng nobela upang mapalawak ang mambabasa nito.

Matagal nang pinagpaplanuhan ni Rizal ang nobela at natapos lamang niya ito noong 1886 sa Berlin, sampung taon bago sumiklab ang rebolusyon. Ipinagbawal ang pagbabasa at pagmamay-ari ng nobela nang makarating ito sa Pilipinas ilang buwan matapos mailathala. Hindi nagustuhan ng mga pari ang anti-simbahang sentimiyento ng nobela, bukod pa sa mga “makabago” at “banyaga” nitong adhikaing nasagap ni Rizal at ng kaniyang mga kapanalig sa kilusang Propaganda. Ito rin ang itinuturing na dahilan ng kaniyang pagkakabitay sa Bagumbayan noong Disyembre 30, 1896.

Sa simula ng nobela, magandang pagpukulan ng pansin ang siniping epigrape ni Rizal, maging ang kaniyang paghahandog. Ang epigrape ay mula sa “Anino ni Shakespeare” ng manunulat na Aleman na si Freidrich von Schiller. Mahalaga ang tanong na iniiwan nitong epigrape hinggil sa abang bansang ito, na kinakatha ni Rizal sa kaniyang nobela: “Ngunit ang tanong ko, Kaibigan,/ sinong Dakila ang lilitaw/ Sa ganitong mga Hamak? Anong/ Kadakilaan ang mangyayari/ sa pamamagitan nila?” Sa kaniyang paghahandog naman, inilalarawan niya na ang “nakasulat sa kasaysayan ng pagdaralita ng sangkatauhan
ang isang kanser na may katangiang napakalubha kaya nagpupuyos sa galit munting dimasaling at nanggigising ng matatalim na kirot.”

Marubdob ang pagnanasa ni Rizal na itanghal ang sakit na itong dinaranas din ng bansang lagi’t lagi niyang nililingon, lalo na nang nasa Europa siya at binabata ang lamig at pangungulila: “nilulunggati ko ang iyong kalusugan, na kalusugan din namin, at hinahanap ang pinakamabuting paglunas.” Ginamit niya ang talinghaga ng mga sinaunang tao na naglalantad ng mga maysakit sa “baitang ng templo, upang makapangmungkahi ng lunas ang sinumang dumating na mananawagan sa Bathala.”

Malinaw ang nasa ni Rizal sa pagsulat ng nobela. Nais niyang “ilarawan” ang kalagayan ng bayan “nang buong tapat at walang pangingimi.” Sa pagkasangkapan ng imahen ng lambong na “tumatabing sa karamdaman,” sinisikap na ibunyag ni Rizal ang mga pagdurusa ng kaniyang bayan. Sa buod ng mga kabanatang ito sa nobela, mamamalas ang ganitong pagtatanghal ng kalagayang-bayan, lalo na ang paghahari ng iilan sa mga sangay ng lipunan.

ELEHIYA SA KAMATAYAN NI KUYA (Bhutan) Isinalin sa Filipino ni Pat V. Villafuerte



ELEHIYA SA KAMATAYAN NI KUYA
(Bhutan)
Isinalin sa Filipino ni Pat V. Villafuerte

Hindi napapanahon!
Sa edad na dalawampu’t isa, isinugo ang buhay
Ang kaniyang malungkot na paglalakbay na hindi na matanaw
Una sa dami ng aking kilala taglay ang di-mabigkas na pangarap
Di maipakitang pagmamahal
At kahit pagkaraan ng maraming pagsubok
Sa gitna ng nagaganap na usok sa umaga
Maniwala’t dili panghihina at pagbagsak!

Ano ang naiwan!
Mga naikuwadrong larawang guhit, poster, at larawan,
Aklat, talaarawan, at iba pa.
Wala nang dapat ipagbunyi
Ang masaklap na pangyayari, nagwakas na
Sa pamamagitan ng luha naglandas ang hangganan, gaya ng paggunita
Ang maamong mukha, ang matamis na tinig, ang halakhak
At ang ligayang di-malilimutan.

Walang katapusang pagdarasal
Kasama ng lungkot, luha, at pighati
Bilang paggalang sa kaniyang kinahinatnan
Mula sa maraming taon ng paghihirap
Sa pag-aaral at paghahanap ng magpapaaral
Mga mata’y nawalan ng luha, ang lakas ay nawala
O’ ano ang naganap,
Ang buhay ay saglit na nawala.

Pema, ang immortal na pangalan
Mula sa nilisang tahanan
Walang imahe, walang anino, at walang katawan
Ang lahat ay nagluksa, ang burol ay bumaba, ang
bukid ay nadaanan ng unos Malungkot na lumisan ang tag-araw
Kasama ang pagmamahal na inialay
Ang isang anak ng aking ina ay hindi na makikita
Ang masayang panahon ng pangarap.