ANG AMA
(Maikling Kuwento Mula sa Bansang Singapore)
Salin ni Mauro R. Avena
Magkahalo lagi ang takot at pananabik kapag
hinihintay ng mga bata ang kanilang ama. Ang takot ay sa alaala ng isang lasing
na suntok sa bibig na nagpapatulo ng dugo at nagpapamaga ng ilang araw na labi.
Ang pananabik ay sa pagkain na paminsan-minsa’y iniuuwi ng ama – malaking supot
ng mainit na pansit na iginisa sa itlog at gulay. Ang totoo, para sa sarili
lang niya ang iniuuwing pagkain ng ama, lamang ay napakarami nito upang maubos
niya nang mag-isa; pagkatapos ay naroong magkagulo sa tira ang mga bata na
kangina pa aali-aligid sa mesa. Kundi sa pakikialam ng ina na mabigyan ng
kaniya-kanyang parte ang lahat – kahit ito’y sansubo lang ng masarap na
pagkain, sa mga pinakamatanda at malakas na bata lamang mapupunta ang lahat, at
ni katiting ay walang maiiwan sa maliliit.
Anim lahat ang mga bata. Ang dalawang
pinakamatanda ay isang lalaki, dose anyos at isang babae, onse anyos;
matatapang ang mga ito kahit na payat, at nagagawang sila lang lagi ang maghati
sa lahat ng bagay kung wala ang ina upang tiyaking may parte rin ang maliliit.
May dalawang lalaki, kambal, na nuwebe anyos, isang maliit na babae, otso
anyos, at isang dos anyos na paslit pa, katulad ng iba, ay maingay na
naghahangad ng marapat niyang parte sa mga pinag-aagawan. Natatandaan ng mga
bata ang isa o dalawang okasyon na sinorpresa sila ng ama ng kaluwagang-palad
nito – sadyang nag-uwi ito para sa kanila ng dalawang supot na puno ng pansit
guisado at masaya nilang pinagsaluhan ang pagkain na hirap nilang ubusin. Kahit
na ang ina nila’y masayang nakiupo sa kanila at kumain ng kaunti.
Pero hindi na naulit ang masayang okasyong
iyon, at ngayo’y hindi na nag-uuwi ng pagkain ang ama; ang katunaya’y
ipinapalagay ng mga batang mapalad sila kung hindi ito umuuwing lasing at
nanggugulpi ng kanilang ina. Sa kabila niyo’y umaasa pa rin sila at kung gising
pa sila sa pag-uwi sa gabi ng ama, naninipat ang mga matang titingnan nila kung
may brown na supot na nakabitin sa tale sa mga daliri nito. Kung umuwi itong
pasigaw-sigaw at padabug-dabog, tiyak na walang pagkain, at ang mga bata’y
magsisiksikan, takot na anumang ingay na gawin nila ay makainis sa ama at
umakit sa malaking kamay nito upang pasuntok na dumapo sa kanilang mukha.
Madalas na masapok ang mukha ng kanilang ina; madalas iyong marinig ng mga bata
na humihikbi sa mga gabing tulad nito, at kinabukasan ang mga pisngi at mata
niyon ay mamamaga, kaya’t mahihiya iyong lumabas upang maglaba sa malalaking
bahay na katabi nila. Sa ibang mga gabi, hindi paghikbi ang maririnig ng mga
bata mula sa kanilang ina, kundi isang uri ng nagmamakaawa at ninenerbiyos na
pagtawa, at malakas na bulalas at pag-ungol mula sa kanilang ama, at sila’y
magtatanong kung ano ang ginagawa nito.
Kapag umuuwi ang ama na mas gabi kaysa dati
at mas lasing kaysa dati, may pagkakataong ilalayo ng mga bata si Mui Mui. Ang
dahila’y si Mui Mui, otso anyos at sakitin at palahalinghing na parang kuting,
ay madalas kainisan ng ama. Uhugin, pangiwi-ngiwi ito at mahilig magtuklap ng
langib sa galis na nagkalat sa kanyang mga binti, na nag-iiwan ng mapula-pulang
mga patse, gayung paulit-ulit siyang pinagbabawalan ng ina. Pero ang nakakainis
talaga ay ang kanyang halinghing. Mahaba at matinis, iyon ay tumatagal ng ilang
oras, habang siya ay nakaupo sa bangko sa isang sulok ng bahay, o namamaluktot
ng paghiga sa banig kasama ng ibang mga bata, na di makatulog. Walang pasensya
sa kanya ang pinakamatandang lalaki at babae, na malakas siyang irereklamo sa
ina na pagagalitan naman siya sa pagod na boses; pero sa gabing naroon ang ama,
napaliligiran ng bote ng beer na nakaupo sa mesa, iniingatan nilang mabuti na
hindi humalinghing si Mui Mui. Alam nila na ang halinghing niyon ay parang
kudkuran na nagpapangilo sa nerbiyos ng ama at ito’y nakakabulahaw na sisigaw,
at kung hindi pa iyon huminto, ito’y tatayo, lalapit sa bata at hahampasin iyon
ng buong lakas. Pagkatapos ay haharapin nito at papaluin din ang ibang bata na
sa tingin nito, sa kabuuan, ay ang sanhi ng kanyang kabuwisitan.
Noong gabing umuwi ang ama na
masamang-masama ang timpla dahil nasisante sa kanyang trabaho sa lagarian, si
Mui Mui ay nasa gitna ng isang mahabang halinghing at di mapatahan ng dalawang
pinakamatandang bata gayong binabalaan nilang papaluin ito. Walang ano-ano, ang
kamao ng ama ay bumagsak sa nakangusong mukha ng bata na tumalsik sa kabila ng
kwarto, kung saan ito nanatiling walang kagalawgalaw. Mabilis na naglabasan ng bahay
ang ibang mga bata sa inaasahang gulo. Nahimasmasan ng ina ang bata sa
pamamagitan ng malamig na tubig.
Pero pagkaraan ng dalawang araw, si Mui Mui
ay namatay, at ang ina na lamang ang umiyak habang ang bangkay ay inihahandang
ilibing sa sementeryo ng nayon may isang kilometro ang layo, doon sa tabi ng
gulod. Ilan sa taga-nayon na nakakatanda sa sakiting bata ay dumating upang
makiramay. Sa ama ng buong araw na nakaupong nagmumukmok ay doble ang kanilang
pakikiramay, dahil alam nilang nawalan ito ng trabaho. Nangolekta ng abuloy ang
isang babae at pilit niya itong inilagay sa mga palad ng ama na di-kawasa, puno
ng awa sa sarili, ay nagsimulang humagulgol. Ang balita tungkol sa malungkot
niyang kinahinatnan ay madaling nakarating sa kanyang amo, isang matigas ang
loob pero mabait na tao, na noon di’y nagdesisyong kunin uli siya, para sa
kapakanan ng kanyang asawa at mga anak. Dala ng kagandahang-loob, ito ay
nagbigay ng sariling pakikiramay, kalakip ang munting abuloy (na minabuti
nitong iabot sa asawa ng lalaki imbes na sa lalaki mismo). Nang makita niya ang
dati niyang amo at marinig ang magaganda nitong sinabi bilang pakikiramay sa
pagkamatay ng kanyang anak, ang lalaki ay napaiyak at kinailangang muling
libangin.
Ngayoy naging napakalawak ang kanyang awa
sa sarili bilang isang malupit na inulilang ama na ipinaglalamay ang
wala-sa-panahong pagkamatay ng kanyang dugo at laman. Mula sa kanyang awa sa
sarili ay bumulwak ang wagas na pagmamahal sa patay na bata, kaya’t madalamhati
siyang nagtatawag, “Kaawa-awa kong Mui Mui! Kaawa-awa kong anak!” Nakita niya
ito sa kanyang libingan sa tabi ng gulod – payat, maputla at napakaliit – at
ang mga alon ng lungkot at awa na nagpayanig sa matipuno niyang mga balikat at
brasong kayumanggi ay nakakatakot tingnan. Pinilit siyang aluin ng mga
kapitbahay, na ang iba’y lumayo na may luha sa mga mata at bubulong-bulong,
“tunay na lasenggo nga siya at iresponsable, pero tunay na mahal niya ang
bata”.
Tinuyo ng nagdadalamhating ama ang kanyang
mga luha at saka tumayo. Mayroon siyang naisip. Mula ngayon, magiging mabuti na
siyang ama. Dinukot niya sa bulsa ang perang ibinigay ng kanyang amo sa asawa
(na kiming inabot naman nito agad sa kanya, tulad ng nararapat.) Binilang niya
ang papel-de-bangko. Isa man dito ay hindi niya gagastahin sa alak. Hindi na
kailanman. Matibay ang pasiya na lumabas na siya ng bahay. Pinagmasdan siya ng
mga bata. Saan kaya ito pupunta, tanong nila. Sinundan nila ito ng tingin.
Papunta iyo sa bayan. Nalungkot sila dahil tiyak nila na uuwi itong dalang muli
ang mga bote ng beer.
Pagkalipas ng isang oras, bumalik ang ama.
May bitbit itong malaking supot na may mas maliit na supot sa loob. Inilapag
nito ang dala sa mesa. Hindi makapaniwala ang mga bata sa kanilang nakita, pero
iyon ba’y kahon ng mga tsokolate? Tumingin silang mabuti. Mayroong supot ng
ubas at isang kahon yata ng biskwit. Nagtalo ang mga bata kung ano ang laman
niyon. Sabi ng pinakamatandang lalaki’y biskwit; nakakita na siya ng maraming
kahong tulad niyon sa tindahan ni Ho Chek sa bayan. Ang giit naman ng
pinakamatandang babae ay kendi, ‘yong katulad ng minsa’y ibinigay sa kanila ni
Lau Soh, na nakatira doon sa malaking bahay na pinaglalabahan ng nanay. Ang
kambal ay nagkasya sa pandidilat at pagngisi sa pananabik,; masaya na sila ano
man ang laman niyon. Kaya’t nagtalo at nanghula ang mga bata, takot na hipuin
ang yaman na walang senyas mula sa ama. Inip silang lumabas ito ng kwarto.
Di nagtagal ay lumabas ito, nakapagpalit na
ng damit, at dumiretso sa mesa. Hindi dumating ang senyas na nagpapahintulot sa
mga batang ilapat ang mga kamay sa pinag-iinteresang yaman. Kinuha nito ang
malaking supot at muling lumabas ng bahay. Hindi matiis na mawala sa mata ang
yaman na sa wari’y kanila na sana, nagbulungan ang dalawang pinakamatanda nang
matiyak na hindi sila maririnig ng ama. “Tingnan natin kung saan siya pupunta”.
Nagpumilit na sumama ang kambal, at ang apat ay sumunod nang malayu-layo sa
ama. Sa karaniwang pagkakataon, tiyak na makikita sila nito at sisigawang
bumalik sa bahay, pero ngayo’y nasa isang bagay lamang ang isip nito at hindi
man lang sila napuna.
salamat sa maikling kwento hehehe
TumugonBurahin