Huwebes, Mayo 25, 2017

Kabanata 12–22: MGA KABANATA NG PAGKASAWI AT TRAHEDYA Buod ni Louie Jon Sanchez





Kabanata 12–22: MGA KABANATA NG PAGKASAWI AT TRAHEDYA
Buod ni Louie Jon Sanchez

Magsisimula ang pagpapatuloy ng salaysay sa Todos Los Santos sa bayan ng San Diego. Kababalik-balik lamang ni Ibarra, at nagtungo siya sa sementeryo ng bayan upang alamin kung ano ang nangyari sa labi ng kaniyang ama. Natagpuan niya roon at nakaharap ang sepulturerong napag-utusan ng kura na hukaying muli ang nailibing nang mga labi upang ilipat sa libingan ng mga Intsik. Nang usisain ng nananaghoy na anak kung nasaan na ang labi, sinabi ng sepulturero na ito’y hinayaan na lamang na lamunin ng lawa. Mas makabubuti raw umano ito kaysa maihanay sa mga sumakabilang-buhay na Intsik. Samantalang naituro kung saan unang nailibing ang ama, wala nang nagawa si Ibarra sa pagkawala ng katawan ng kaniyang ama.

Sa paglabas niya sa kampo santo, nakasalubong niya si Padre Salvi at sinugod ito, sa pag-iisip na ito ang kurang nag-utos ng paglapastangan sa kaniyang ama. Itinanggi naman ng pari ang paratang habang takot na takot. Nabuwal ang pari at tinulungang tumayo ng katulong nito.

Patuloy na nagsasalaysay ang nagkukuwento sa pagpapakilala naman sa katauhan ni Tasiong Baliw o Pilosopo Tasio. Nagbigay ng maikling talambuhay ang nagsasalaysay hinggil sa kaniya, habang nagninilay ito sa unos na nangyayari sa kaniyang tagpo habang kausap sina Don Filipo Lino at sa asawa nitong si Donya Teodora Viña o Doray. Si Pilosopong Tasio ay kilala sa kaniyang matinding karunungan at palabasa, at dahil doon ay madalas na hindi naiintindihan ng mga taga-San Diego.

Samantala, isang munti bagaman nakahihindik na kaguluhan ang nangyayari sa simbahan. Halos kasabay ng pagbuhos ng ulan ang pagbuhos ng kamalasan sa dalawang magkapatid na sakristan, sina Basilio at Crispin. Ang batang si Crispin ay napagbintangan ng sakristan mayor na nagnakaw ng dalawang onsa sa parokya. Dumadaing ang dalawa dahil sa paghihirap nila sa simbahan. Doble ang pagdaing nila sapagkat pinagbawalan itong umuwi. Higit na nahindik ang kuya nang tangayin ang kaniyang nakababatang kapatid upang ito ay maparusahan. Sa huli, tumakas ang bata upang uwian ang kanilang inang si Sisa, na mag-iisang linggo na nilang hindi nakikita.

Naghihintay naman ng ina ang kaniyang mga anak. Pinaghanda niya ang mga anak ng makakain at inabangan ang kanilang pagdating. Ngunit agad siyang binabaan ng kaba na may nangyayaring masama sa kaniyang mga anak. Dinatnan siya ng kaniyang asawang palainom at sugarol na si Pedro. Halos maubos ni Pedro ang kakanin ng kaniyang mga anak, at ipinagtanong sa asawa kung nasaan na sila. Umalis din ang asawang lalaki at iniwang muli si Sisa. Patuloy na naghintay si Sisa, binabagabag, nangungulila sa mga anak. Di naglaon, dumating ang anak na panganay, balisang kumakatok sa pinto. Pinagbuksan niya ito ng pinto ang nalaman niya ngang hindi kasama ng panganay ang kaniyang bunso. Nalaman niya rin ang nangyari sa simbahan. Nagpahinga ang mag-ina, habang sa isip ni Sisa, binabalak na niya ang pagpunta sa tanggapan ng prayle upang hanapin ang kaniyang hindi umuwing anak. Sa tangkang paghimbing, nabagabag ang kuya ng panaginip ng masamang pangyayari sa kapatid. Hindi niya ito inamin sa ina, at nang mag-usisa sa kaniya’y sinabing walang ano mang badya ang panaginip at nais na niyang tumigil magsakristan. Balak ng bata na kausapin si Ibarra na gawin na lamang siyang pastol nito sa kaniyang mga lupain.

Kinabukasan, nagtungo ang ina sa simbahan upang makipagkita kay Padre Salvi, na noong araw na iyon ay maysakit daw. Sa simbahan, naroroong nagpapalitan ng hinuha ang mga hermano’t hermana, na hindi nabigyan ng kumpisal ng pari at dahil doon ay masama ang loob dahil hindi nila nakuha ang inaasahang indulhensiya. Nagpapaligsahan pa sa dami ng indulhensiya ang mga ito. Samantalang ginagawa nila ito, nakita nila si Sisa na paakyat sa tinutuluyan ng prayle. Sinundan nila ang kinakabahan at naghahagilap na ina. Sunong ng ina ang gulay na ipanreregalo sana sa padre upang patawarin na ang mga anak, at sabihin ang balak ng anak. Lalo siyang nanlumo nang igiit ang pagnanakaw ng mga anak, at ang pagpapahuli sa mga ito sa mga guwardiya sibil. Lumabas si Sisa na nagugulumihanan, pilit na itinatago ang kaniyang pag-iyak sa paglabas niya sa lansangan.

Ang pagsasalaysay ay babalik sa patuloy na pag-alam ni Ibarra sa kinahinatnan ng kaniyang ama. Sa may lawa, sinamahan siya ng isang lalaki sa kung saan inilaglag ang katawan ni Don Rafael. Sa paglalakbay na ito sa lawa, muling nabalikan ni Ibarra ang kabutihan ng kaniyang ama, tulad ng pagtulong mismo nito sa kasamang nagtungo sa pook na iyon. Ang lalaking iyon ang guro sa parokya ni Padre Salvi, na halos sumuko na sa hirap ng pagtuturo at pangangailangang disiplinahin ang mga kabataan. Dito sinimulang isalaysay ang plano ni Ibarra na magtayo ng paaralan para sa San Diego.

Samantala, dadalo si Ibarra sa pulong ng Tribunal kung saan pagtatalunan ng mga konserbatibo’t matatandang pinuno at mga liberal at nakababatang kabesa ang kailangang mga pagkagastahan sa darating na pista. Nagbalak ang mga kabataan at liberal na baligtarin ang magiging diskusyon at ipanukala ang tiyak na mithi ng mga matatanda. Samantalang nagtagumpay sila at naipasa ang lihim na mithi, wala silang nagawa sapagkat nasa ng kura ang higit na mas magarbong pistahan. Si Ibarra naman, na nagbabalak magtungo sa kabisera ng probinsiya, ay nag-alok na magdala ng ano mang usaping nais nilang ipaayos.

Nagbalik ang pagsasalaysay sa kuwento ni Sisa, na tumatakbong lito pauwi. Nag-aalala siya para sa kaniyang mga anak. Nais niyang iligtas ang mga anak, lalo na si Crispin, na hindi pa rin niya alam ang naging palad. Nang makalapit sa bahay, nakita niyang naroroon ang mga sundalong sinisiyasat ang kanilang lugar. Kinuha ng isang sundalo ang kanilang inahin at saka sinunog ang kanilang bahay. Tinangka ni Sisa na umalis na lamang ngunit nakita siya ng isa sa mga guwardiya at inusisa. Nang hindi nila siya mapilit na ilitaw ang kaniyang mga anak, pinilit nila siyang madala sa kuwartel. Sa pakiusap ni Sisa, naglakad siya at ang mga guwardiya nang may distansiya, sa takot na mapahiya siya o makilala. Hindi siya nakaiwas sa kahihiyan dahil nakilala siya ng isang nakasalubong. Pagdating sa kuwartel, naghintay si Sisa sa alferez na agad naman siyang pinauwi bandang tanghali. Hindi naniwala ang alferez sa kura at sinabing gawa-gawa lamang ang reklamong pagnanakaw. Muling natagpuan ni Sisa ang sarili sa kalye at tinalunton niya ang landas pauwi. Sa pagbalik, natagpuan niya ang retaso ng damit ni Basilio, may bahid ng dugo. Wari bang tuluyang nawalan na ng bait si Sisa kalaunan at nagpalaboy-laboy na nga sa San Diego, hinahanap ang kaniyang mga anak.

Sa mga araw na ito, nagsisimula nang maging abala ang bayan sa paghahanda para sa darating na pista. Nasa kabisera pa ng probinsiya si Ibarra at nangamusta sa tahanan nina Maria Clara sa pamamagitan ng telegrama. Si Maria Clara naman, nakadarama ng kakatwa sa kurang tila binabantayan siya’t kung ano ang pinagsasabi sa kaniya. Sa pagbabalik ni Ibarra, ikinuwento niya rito ang napapansin, at ang pagnanais na umiwas dito. Nangatwiran naman si Ibarra na hindi maaaring umiwas sila sa kura, lalo na ang hindi ito anyayahan sa plano nilang piging at pamamasyal sa lawa. Nang magpaalam si Ibarra, lumapit sa kaniya si Pedro, ang ama ng dalawang batang sawimpalad at asawa ni Sisa. Humihingi ito ng tulong sa binata. Nagpatuloy ang usapan ng dalawa habang papauwi si Ibarra.

1 komento: