KAY ESTELLA
ZEEHANDELAAR
Salin ni Ruth
Elynia S. Mabanglo
Mula sa Mga
Liham ng Isang Prinsesang Javanese
Japara,
Mayo 25, 1899
Ibig na ibig kong makilala ng isang
“babaeng moderno” iyong babaeng malaya, nakapagmamalaki’t
makaaakit ng aking loob! Iyong masaya, may tiwala sa sarili,
masigla’t maagap na hinaharap ang buhay, puno ng tuwa at sigasig,
pinagsisikapan hindi lamang ang sariling kapakanan at kundi maging ang
kabutihan ng buong sangkatauhan.
Buong kasabikan kong sinasalubong ang
pagdating ng bagong panahon; totoong sa puso’t isip ko’y hindi ako nabibilang
sa daigdig ng mga Indian, kundi sa piling ng aking mga puting kapatid na babae
na tumatanaw sa malayong kanluran.
Kung pahihintulutan lamang ng mga batas
ng aking bayan, wala akong ibig gawin kundi ang ipagkaloob ang sarili sa mga
nagtatrabaho’t nagsisikap na bagong kababaihan ng Europe; subalit nakatali ako
sa mga lumang tradisyong hindi maaaring suwayin. Balang araw, maaaring lumuwag
ang tali at kami’y pawalan, ngunit lubhang malayo pa ang panahong iyon. Alam
ko, maaaring dumating iyon, ngunit baka pagkatapos pa ng tatlo o apat na
henerasyon. Alam mo ba kung paano mahalin ang
bago at batang panahong ito nang buong puso’t kaluluwa kahit
nakatali sa lahat ng batas, kaugalian at kumbensyon ng sariling bayan? Tuwirang
sumasalungat sa kaunlarang hinahangad ko para sa aking mga kababayan ang lahat
ng mga institusyon namin. Wala akong iniisip gabi’t araw kundi ang makagawa ng
paraang malabanan ang mga lumang tradisyon namin. Alam kong para sa aking
sarili’y
magagawa kong iwasan o putulin ang mga ito, kaya lamang ay
may mga buklod na matibay pa sa alinmang lumang tradisyon na pumipigil sa akin;
at ito ang pagmamahal na inuukol ko sa mga pinagkakautangan ko ng buhay, mga
taong nararapat kong pasalamatan sa lahat ng bagay. May karapatan ba akong
wasakin ang puso ng mga taong walang naibigay sa akin kundi pagmamahal at
kabutihan, mga taong nag-alaga sa akin nang buong pagsuyo?
Ngunit hindi lamang tinig nito ang
umaabot sa akin; ang malayo, marikit at bagongsilang na Europe ay nagtutulak sa
aking maghangad ng mga pagbabago sa kasalukuyang kalagayan. Kahit noong musmos
pa ako’y may pang-akit na sa aking pandinig ang salitang “emansipasyon;” may
isang naiibang kabuluhan ito, isang kahulugang hindi maaabot ng aking
pang-unawa. Gumigising ito sa akin para hangarin ang pagsasarili at kalayaan –
isang paghahangad na makatayong mag-isa. Ang puso ko’y sinusugatan ng mga
kondisyong nakapaligid sa akin at sa iba, buong lungkot na pinag-aalab ang
mithiin kong magising ang aking bayan.
Patuloy na lumapit ang mga tinig na
galing sa malayong lupain, umaabot sa akin, at sa kasiyahan ng ilang nagmamahal
sa akin at sa kalungkutan ng iba, dala nito ang binhing sumupling sa aking
puso, nag-ugat, sumibol hanggang sa lumakas at sumigla.
Ngayo’y kailangang sabihin ko ang ilang
bagay ukol sa sarili upang magkakilala tayo. Panganay ako sa tatlong babaeng
anak ng Regent ng Japara. Ako’y may anim na kapatid na lalaki at babae. Ang
lolo kong si Pangeran Ario Tjondronegoro ng Demak ay isang kilalang lider ng
kilusang progresibo noong kapanahunan niya. Siya rin ang kauna-unahang Regent
ng gitnang Java na nagbukas ng pinto para sa mga panauhin mula sa ibayong dagat
– ang sibilisasyong Kanluran. Lahat ng mga anak niya’y may edukasyong European,
at halos lahat ng iyon (na ang ilan ay patay na ngayon) ay umiibig o umibig sa
kanlurang minana sa kanilang ama; at nagdulot naman ito sa mga anak nila ng uri
ng pagpapalaking nagisnan nila mismo. Karamihan sa mga pinsan ko’t
nakatatandang kapatid na lalaki ay nag-aral sa Hoogere-Burger School, ang
pinakamataas na institusyon ng karunungang matatagpuan dito sa India. Ang bunso
sa tatlong nakatatandang kapatid kong lalaki’y tatlong taon na ngayong
nag-aaral sa Netherlands, at naglilingkod din naman doon bilang sundalo ang dalawa
pa. Samantala, kaming mga babae’y bahagya nang magkaroon ng pagkakataong makapag-aral
dahil na rin sa kahigpitan ng aming lumang tradisyon at kumbensyon. Labag sa
aming kaugaliang pag-aralin ang mga babae, lalo’t kailangang lumabas ng bahay
araw-araw para pumasok sa eskuwela. Ipinagbabawal ng aming kaugalian na lumabas
man lamang ng bahay ang babae. Hindi kami pinapayagang pumunta saan man, liban
lamang kung sa paaralan, at ang tanging lugar na pagtuturong maipagmamalaki ng
siyudad naming na bukas sa mga babae ay ang libreng grammar school ng
mga European.
Nang tumuntong ako ng ikalabindalawang
taong gulang, ako ay itinali sa bahay – kinailangang “ikahon” ako. Ikinulong ako at pinagbawalang
makipag-uganayan sa mundong nasa labas ng bahay, ang mundong hindi ko na
makikita marahil liban kung kasama ko na ang mapapangasawang estranghero, isang
di-kilalang lalaking pinili ng mga magulang ko, ang lalaking ipinagkasundo sa
akin nang di ko namamalayan. Noong bandang huli, nalaman kong tinangka ng mga
kaibigan kong European na mabago ang pasyang ito ng mga magulang ko para sa
akin, isang musmos pa na nagmamahal sa buhay, subalit wala silang nagawa. Hindi
nahikayat ang mga magulang ko; nakulong ako nang tuluyan. Apat na mahahabang
taon ang tinagal ko sa pagitan ng makapal na pader, at hindi ko nasilayan minsan
man ang mundong nasa labas.
Hindi ko alam kung paano ko pinalipas
ang mga oras. Ang tanging kaligayahang naiwan sa aki’y pagbabasa ng mga librong
Dutch at ang pakikipagsulatan sa mga kaibigang Dutch na hindi naman
ipinagbawal. Ito – ito lamang ang nag-iisang liwanag na nagpakulay sa hungkag
at kainip-inip na panahong iyon, na kung inalis pa sa akin ay lalo nang naging
kaawa-awa ang kalagayan ko. Lalo sigurong nawalan ng kabuluhan ang buhay ko’t
kaluluwa.
Subalit dumating ang kaibigan ko’t
tagapagligtas – ang Diwa ng panahon; umalingawngaw sa lahat ng dako ang mga yabag
niya. Nayanig sa paglapit niya ang palalo’t matatag na balangkas ng mga lumang
tradisyon. Nabuksan ang mga pintong mahigpit na nakasara, kusa ang iba, ang iba
nama’y pilit at bahagya lamang ngunit bumukas pa rin at pinapasok ang mga
di-inanyayahang panauhin.
Sa wakas, nakita kong muli ang mundo sa
labas nang ako’y maglabing-anim na taon. Salamat sa Diyos! Malalabasan ko ang
aking kulungan nang malaya at hindi nakatali sa isang kung sinong bridegroom. At
mabilis pang sumunod ang mga pangyayaring nagpabalik sa aming mga babae ng mga
nawala naming kalayaan.
Nang sumunod na taon, sa oras ng
pagtatalaga sa poder ng bata pang Prinsesa (bilang Reyna Wilhemina ng
Netherland), “opisyal” na inihandog sa amin ng mga magulang namin ang aming
kalayaan. Sa kauna-unahang pagkakataon sa aming buhay, pinayagan kaming umalis
sa bayan namin at pumunta sa siyudad na pinagdarausan ng pagdiriwang para sa
okasyong iyon. Anong dakila tagumpay iyon! Ang maipakita ng mga kabataang
babaeng tulad namin ang sarili sa labas, na imposibleng mangyari noon. Nasindak
ang “mundo,” naging usap-usapan ang “krimeng” iyon na dito’y wala pang
nakagagawa. Nagsaya ang aming mga kaibigang European, at para naman sa amin,
walang reynang yayaman pa sa amin. Subalit hindi pa ako nasisiyahan. Lagi, ibig
kong makarating sa malayo, mas malayo.
Wala akong hangaring makapamista, o
malibang. Hindi iyon ang dahilan ng paghahangad kong magkaroon ng kalayaan.
Ibig kong malaya upang makatayo ng mag-isa, mag-aral, hindi para mapailalim sa
sinuman, at higit sa lahat, hindi para pag-asawahin nang sapilitan.
Ngunit dapat tayong mag-asawa, dapat,
dapat. Ang hindi pag-aasawa ang pinakamalaking kasalanang magagawa ng isang
babaeng Muslim; ito ang pinakamalaking maipagkakaloob ng isang katutubong babae
sa kanyang pamilya.
At ang pag-aasawa para sa amin –
mababaw pa ngang ekspresyon ang sabihing miserable. At paano nga ba hindi
magkakaganoon, kung tila ginawa lamang para sa lalaki ang mga batas, kung pabor
para sa lalaki at hindi para sa babae ang batas at kumbensyon; kung ang lahat
ng kaluwaga’y para sa kanya lang?
Pag-ibig! Anong nalalaman namin dito
ukol sa pag-ibig? Paano namin maiibigan ang isang lalaking hindi namin
kailanman nakilala? At paano nila kami iibigin? Hindi yata maaaring mangyari
iyon. Mahigpit na pinaghihiwalay ang mga kabataang babae at lalaki, at
kailanma’y hindi pinapayagang magkakilala.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento