Martes, Mayo 23, 2017

DALAWANG PASO NG ORCHIDS

DALAWANG PASO NG ORCHIDS
ni Phan Du
Salin ni Buenaventura S. Medina Jr.

Kahit ngayon, basta makakita ako ng mga bulaklak sa malalaking pasong iyon, o kapag napag-uusapan ang bulaklak at ang paraan para mag-enjoy sila, hindi malayong maisip ko ang isang lalaking may edad, ang scholar na si Nguyen. Pinakamatalik nakaibigan siya ng aking tatay. Pero ang ganyang pagkakaibigan nila’y nitong huli ko n alang napag-isipan, nang mag-mature ako at masanay nang makita ko kung ano ang nasa ilalim ng mga bagay-bagay, nasa ibang salita, ngayon ko lang talaga naintindihan nang husto ang pagiging matalik nilang magkaibigan.

Pagkat noon, hindi ko talaga nakita isang beses man lang ang matandang scholar na kasama ng mga importanteng tao na pumaparoon sa malalaking handaan sa bahayng tatay ko. At bihira naman siyang dumalaw sa amin sa palasyo.

Pero may isang bagay akong napansin sa paraan ng pagtanggap ng mga magulang ko sa matandang scholar. Simple lang ang pagtanggap na iyon, walang sere-seremonya,at ibang-iba sa ginagawa para sa mga bisitang matataas ang ranggo. Pero sa kasimplehang ito ay may katangiang nagpakilala ng isang naiibang pagpapahalaga at matinding respeto sa nakatatanda.

Tuwing makikita ng tatay ko na dumarating na ang matandang scholar, siya na mismo ang maghahanda ng tsaa, ng insenso, ng chessboard, ng brush, at ng lagayan ng tinta. Bukod doon, ihahanda ng tatay ko para sa okasyong iyon ang pinakamasarap na tsaa, at ang pinakamabango. At ang dalawang matandang lalaki’y maglalaro ng chess, iinom ng rice brandy, at mag-recite ng mga tula o kaya’y magdidiskusyon sa gitna ng halimuyak ng mabangong santal. Ang ilang laro nila’y tumatagal nang buong umaga, o kaya’y maghapon, pero hindi pa rin nga malaman kung sino ang nanalo sa dalawang naglalaro.

Binibisita naman ng tatay ko ang matandang scholar nang minsan, tuwing dalawa o tatlong buwan. Pero basta may masarap na tsaa o mataas na klaseng cinnamon ang tatay ko, ipinadadala niya sa kapatid ko o sa akin o kaya ang mga regalong ito sa matandang scholar. Hindi niya kailanman inutusan ang isang alila para magdala niyon.

Sa ganyang paraan, dumami tuloy ang pagkakataong makapunta ako sa tinitirhan ng matandang scholar. Sa mga okasyong ito ko simulang naintindihan ang mataas na klaseng paghihirap ng matanda at ang karangalan ng kaniyang kalooban. Ang bahay niya’y isang kubong pawid na itinayo sa gitna ng isang hardin na hindi naman kalakihan, na matatagpuan doon sa gitna ng lugar ng mahihirap. Pero nag-iwan iyon sa kaluluwa ko ng maraming magaganda’t matutulaing alaala dala na rin pati ng hardin.

Ang hardin ng matandang scholar ay hardin ng mga bulaklak. Sa pagpasok pa lang sa pinto, naramdaman kong nakapasok ako sa isang forest ng mga punong namumulaklak nang husto. Lalong kumislap ang buong hardin hindi lang sa sikat ng araw kundi dahil sa mga petal ng bulaklak na iba-iba ang kulay. Isang mundong tahimik iyon, masyadong iba sa napakaingay na mundo sa labas.

Mas madalas kong nakikita ang matandang scholar sa hardin kaysa sa kanyang bahay. At hindi ko kailanman malilimot ang image ng matandang lalaking ito, putingputi ang buhok at ang balbas, pero parang hari dahil sa kaniyang mataas na noo, sa kaniyang maamong mata sa likod ng salaming may silver frame, sa kaniyang mataas at slim na katawang nababalutan ng barong brown na suot niya sa bawat okasyon; sa gitna ng hardin, nakatayo sa tabi ng kaniyang apong babae at nakangiti pagkakita sa akin. Ang image na ito, kahit ngayon, para sa akin ang simbolo ng isang buhay na lagi nang malinis, marangal, at palaisip. Nagbabalik iyon sa isip o sa mga sandaling ang di makontrol na agos ng pagnanasa ay pilit na sumisira sa anumang paniwala sa marangal na kabuluhan ng buhay.

Namumuhay sa ganitong katahimikan ang matandang scholar, kasama ang kaniyang apong babae at ang isang matandang utusan. Ang totoo, mas madalas siyang kasama ng kaniyang mga bulaklak. Pagkat gustung-gusto niyang asikasuhin iyon, alagaan iyon; ang sundan ang buhay niyon ang pinakamalalaki niyang katuwaan, bukod sa pagtula-tula at sa pagbabasa ng mga libro.

Noong una, palagay ko’y napaka-common ng ganitong katuwaan. Pagkat ang mag-alaga ng mga halamang namumulaklak sa malalaking paso ay karaniwan lang para sa mga lalaki sa lugar na ito. Isang katuwaan na sa edad na 16 ay nadiskubre kong masyadong complicated at boring pa nga. At saka, dahil nga sa tradisyonal na pag-uugali ng scholar, wala man lang maaaring ikapagkapareho kami ng matandang ginoo. Kaya noong una, ang pumunta sa bahay niya’y isang trabahong hindi ko ikinasiya. Pero dahil nga sa maraming beses ko siyang pinupuntahan, sa huli, nakita ko rin sa tradisyonal na scholar na ito ang isang napakabatang kaluluwa, ang isang simple’t masayahing puso.

Habang madalas kong napupuntahan ang kanyang lugar, lalo namang lumalaki ang respeto at pagtingin ko sa kanya at ang dating pagkatakot ko’y nawala. Ang tingin sa akin ng matandang scholar ay parang kapamilya na rin, gaya ni Boi-Lan, ang kaniyang apong babae.

Mas naaakit ako ng hardin ng mga bulaklak kaysa alin pa man. Talagang tuwangtuwa ako sa pagsunud-sunod sa matandang scholar sa kaniyang hardin, tinutulungan ko siya sa pagdidilig ng halaman, pag-aalis ng mga caterpillar, paglalagay ng tukod at paggawa ng libu-libo pang ibang maliliit na bagay. Sa mga paglalakad na ito, nakikipagkuwentuhan ang matandang scholar sa amin ni Boi-Lan nang para kaming may edad na rin. Magsasalita siya tungkol sa mga bulaklak, sa mga katangian ng bawat isang klase, at magsasabi ng nakatutuwang bagay tungkol doon. Sa mga pagkukuwentong ito na ginawa sa gitna ng mga bulaklak – mga pagsasalitang hindi ko lagi nang naiintindihang buo, dito ko nagawang makilala na ang katuwaan ng matandang scholar sa pag-aalaga ng mga bulaklak ay isang bagay na napakataas at masyadong pambihira. Hindi iyon kasiyahan para lang sa sarili. Nang matagal na, matapos ang isang pangyayaring may kinalaman sa kinauwian ng ilang paso ng mahal na bulaklak sa harding ito, saka ko naisip na para sa matandang scholar na ito ang pagaalagang ito ay nagawa niyang maging isang uri ng relihiyon, ang relihiyon ng mgabulaklak. Natatandaan ko isang araw, na samantalang naglilipat ng krisantemo sa isang basket ang matandang scholar, sabi niya sa akin:
“Kaya kailangang maglipat ako, kung hindi mababalik ang mga halamang ito sa buhay sa kuweba.”
“Sir, ano po’ng ibig sabihin ng buhay sa kuweba?” Ang tanong na ito, na napakasimple para doon sa sanay na sa pag-aalaga ng halaman, ay nakapagpatawa sa charming na si Boi-Lan.

Sagot ng matanda:
“Ang kahulugan ng pagbabalik ng halaman sa buhay sa kuweba ay ang mawalan ng lahat ng dahon. Kahit na punung-puno ng bulaklak at buko ang isang halaman, pag nagbalik iyon sa buhay sa kuweba, wala na iyong halaga. Sa pag-aalaga ng krisantemo, isang malaking kasalanan ito. Pero hindi huhusto kung basta papalitan ang basket o kaya magdaragdag ng bagong lupa. Malaki ang kinalaman ng uri ng lupa, ng abonong ilalagay, at ng paraan ng paglalagay niyon sa halaman.”
Mahinang sabi sa matandang scholar ni Boi-Lan, habang nakayukong naglalagay ng lupa sa isang basket:
“Ang importante’y marami ang bulaklak; kahit na magbalik sa buhay sa kuweba ang halaman, hindi naman masyadong importante ito. Napakahigpit mo naman, Lolo, mahihirapang bumili ng kahit isang paso ng bulaklak sa iyo.” Sabi ng matandang scholar na nakangiti sa apo.

“Oo. Kaya nga hindi ako bumibili ng bulaklak at ayoko rin namang magbili ng bulaklak. Ang isang paso ng bulaklak na ikaw na mismo ang nag-alaga ay hindi pwedeng mabigyan ng presyo. Ang mayayamang gamit ay pera para bumili ng bulaklak ay hindi naman laging natututong matuwa doon. Pagkat ang katuwaan ay wala sa pagkagusto sa kulay niyon o sa bango kaya kundi sa pag-aalaga doon para lumago. Ang isang bukong bumukadkad, ang isang dahong bumuka, ang bagay na ito ay husto na para masiyahan ang mga mata at siguro ang mga kasiyahang ito ay mas nakatutuwa kaysa pag-isipan ang mga bulaklak. Pagkat sila’y mga gawa ng Diyos na delikado’t proud din naman! Hindi naman nila hinihingi ang ating kayamanan kundi ang ating pagmamahal. Ang mga naguukol lang ng panahon sa kanila, nag-aalaga sa kanila nang buong puso, ang talagang maka-e-enjoy ng ganda nila, ng kagandahan nilang natatago sa kanilang kaluluwa. Pagkat ang mga bulaklak ay may kaluluwa; walang magsasabing hindi tama iyan. Pero hindi makikita ng tao ang kaluluwang iyan habang gumagasta sila ng pera para bumili niyon.”

Sa pagmamahal na ibinibigay ng matandang scholar sa kaniyang bulaklak, pihong iilan lang ang makapapantay doon. Sa mga bulaklak, mas gusto niya ang orchids, at sa mga orchids, ang pinakagusto niya ay ang klaseng “pusong walang dumi.” Si Boi- Lan ang nagsabi niyon sa akin. At nagkuwento siya nang buong detalyado tungkol sa mamahaling orchids ng matandang scholar.

“Medyo kakaiba ang Lolo. Mas mahal niya ang kaniyang orchids kaysa sa akin. Puwersado akong alagaan iyon nang higit pa sa maliliit na bata. Pag didiligan iyon, gusto niyang idilig ko doon ay tubig na ipinanghilamos ko. Tuwing umaga, kailangang hugasan ko iyon, bawat isang dahon, at talaga naman, para gumanda nang husto ang orchids kailangan nito ang malaking pagmamahal.”

Nagulat ako. “Bakit kailangan pang ipandilig diyan, e, ipinanghilamos mo ng iyong mukha?”

“Sabi ng Lolo na ang orchids ay parang babae at dalaginding. Sabi rin niya na magagandang nilikha ang orchids, pero tahimik at magagandang nilikha. Ano ba ang kahulugan ng magagandang nilikha?”

At tinutukso ko siya: “Ang isang magandang nilikha ay isang magandang babae, isang magandang kabataang babae na gaya mo, halimbawa. At tahimik iyong hindi madaldal. Palagay ko iyan ang gusto niyang sabihin...” Biglang napatawa nang malakas si Boi-Lan.

Natandaan ko pang sinabi iyon nang buong kainonsentehan ng isang bata, nang walang naiisip na may iba pang maibibigay na kahulugan. Noon, palagay ko ba’y kasingganda ni Boi-Lan ang agagandang bulaklak doon sa hardin. Kapag kasama ko siya, pakiramdam ko ba kasama ko ang matatalik kong kaibigan. Iyon ay isang bagay na naintindihan ko nang tumagal na lamang nang magmature na ako at mapag-isipan at ma-analyze ang mga di-maintindihang nakatago sa mga masasaya at malulungkot na dapat tandaan sa mga nagdaang araw. Noon ako umpisang nagkainteres sa mga mahal na orchids, buhat nang matutuhan ko ang istorya ng halamang iyon, at nang malaman kong si Boi-Lan mismo ang nag-aalaga ng mga iyon. At lalo na nang malaman kong napaliliguan iyon ng tubig na ipinanghilamos ni Boi-Lan. Nakadiskubre ako ng tulain sa sining ng pag-aalaga ng mga bulaklak at mas nabigyan ko ng halaga ang orchids nang ibalita ni Boi-Lan sa akin kung ano ang napag-usapan ng matandang scholar at ng isang mamang dumating para mamili ng mga bulaklak na ito:
“Nag-alok siya ng isang bunton ng mga piaster para sa dalawang paso ng orchids na pusong walang dumi. Pero hindi pumayag ang Lolo na ipagbili iyon. Bukod dito, nakakita siya ng magandang dahilan para mapaalis ang bumibili.”

Isang bunton ng mga piaster para sa dalawang paso ng orchids! Hindi ako halos makapaniwala. Noon ang isang piaster ay nakabibili na ng sandaang takal ng bigas, May taong kayang bumayad ng isang bunton ng piaster para sa dalawang paso ng orchids.

Talaga sigurong mataos magmahal ng mga orchids ang mamimiling ito. Nang makitang nagulat ako, ang matandang utusan na nag-aalaga ng hardin ay tumigil sa pag-aasarol at nagbuntong hininga.

“Isang bunton ng piaster a, walang kwenta ‘yan. Pwedeng bumayad iyon ng higit pa, basta makuha lang niya ang orchids. Hindi sa gusto niya ang mga bulaklak na iyon, pero gusto lang niyang makilala na siya ang taong nakabili ng orchids ng harding ito, at para nga masiyahan ang kanyang protector. Ang anak niya, sa palagay ko ay lihim na nasa cabinet ng Gobernador o sa cabinet ng Alkalde. Pero talagang loko lang niya para alukin ang matandang maestro na bilhin ang mga bulaklak nito. Kung nahingi lang niya iyon, baka nakapag-asa pa siyang bibigyan ng matandang maestro ng mga orchids na ito nang libre. Kalokohan iyong mag-alok ng pera sa matandang maestro.

Pinakamagandang paraan iyan para siya tanggihan nito. Mabuti na lang at nataon iyon nang wala nang maiinom ang matandang scholar! Kung nagkataon, baka nakatikim siya ng hambalos ng baston niyon, na nakapagpabukas ng kanyang mga mata!”

Tumindi pa ang respeto ko sa matandang scholar nang marinig ko ang kuwentong ito. Umpisa ko nang maintindihan kung bakit napakalaki ng respeto ng tatay ko sa matandang scholar, at kung bakit, sa relasyon nilang dalawa, kinalimutan na niya ang anumang seremonya na karaniwang ginagawa sa mundo ng mga mandarin.

Pag tinatanggap niya ang matandang scholar o pag binisita niya ang tahanan nito parang ibang tao na ang tatay ko. Wala nang natira sa dakilang mandarin na siya nga. At mas maligaya siya, sa bahay, kapag kasama ng matandang scholar kaysa sa kung sinong iba pa. Iyan ang talagang naka-impres na mabuti sa akin.

Habang lumalaki ang respeto ko sa matandang scholar, lumalaki rin ang pagtingin ko sa mga paso ng orchids. Ibinigay namin ni Boi-Lan ang lalong malaking pagtingin sa mga orchids, na siya namang ikinalapit namin nang mabuti sa isa’t isa. Magkatulong naming inaalis ang mga caterpillar, hinuhugasan ang mga dahon, dinidiligan ang mga halaman, at nagtatayo ng mga tukod sa mga paso. Natatandaan kong nabuo sa isip ko, habang nakatingin sa basa’t kumikinang na mga dahon ng orchids, ang isang inosente’t delicate na mukha, nakukuwadruhan ng maitim na buhok kung kaya lalong kuminang ang kaniyang complexion. At sa magandang mukhang ito, dalawang matang malakalapati ang kumikinang sa liwanag na kumikislap sa mga tulo ng tubig na nakabitin sa dulo ng dahon, kumikinang sa araw sa umaga. Halos makita ko ngayon gaya rin noon ang dalawang maninipis na labi, madalas na pinagdikit na mabuti, na parang nag-iiwan ng isang ngiti. At ang mga labing iyon ang nagsabi sa akin sa pagitan ng mga dahon ng orchids.

“Pinakagusto ng Lolo ang dalawang orchids na ‘pusong walang dumi’ na ito pagkat namumulaklak ito nang tamang-tama sa Tet Saka niya ipahahanda ang sumisibol na barley sugar, na amoy-orchids sa magdamag, para isabay sa pag-inom ng rice brandy.
At bibigyan kami ng Lolo ng gantimpala para sa ginagawa naming pag-aalaga. Isang buwan pa, at magiging napakaganda niyon, mas maganda pa sa orchid na ‘white Jade’.

At titingnan ng mga matang iyon na parang sa kalapati ang mga dahon ngmorchids nang may pagmamahal na paminsan-minsan ko ring nahuhuli sa mga mata ng matandang scholar kapag iniinom niya ang mabangong tsa sa lilim ng balag ng gumagapang na halamang Ivy sa bakuran sa likuran, habang nakatingin sa bagong bumubukadkad na bulaklak.

Matao ang kabisera pag nalalapit na ang Tet. Lilimang araw na lamang ang natitira at hindi pa alagang tumitigil ang pag-ulan. Pero ang kalungkutan ng langit at lupa ay parang pinaunti ng delikado’t kumikinang na kaberdehan ng mga dahon, gayundin ang kasiglahan sa mga daan, punung-puno ng kulay ng spring.

Pumunta ako sa bahay ng matandang scholar nang maggagabi na. Nakita ko ang dalawang paso ng orchids na ang paglaki’y sinusubaybayan namin ni Boi-Lan arawaraw.

Walang anumang pagbabago, gaano man kaliit ang nakaligtas sa amin. Kung wala ako sa isang araw, kinabukasan pagbabalik ko, nagkuwento si Boi-Lan nang buong detalyado sa akin ng lahat ng pagbabago sa mga halamang ito. At ang matandang scholar ay makikinig nang walang kibo, buong pagmamahal na nakangiti nang gaya ng isang mapagpalayaw na lolong nag-iispoil ng kanyang apo.

Ngayon naman, makaraan ang dalawang araw na pag-aabsent ko, napipiho kong napakaraming sasabihin sa akin si Boi-Lan – ang mga namumuong bagong buko, ang kabubukang dahon o natutuyo kaya, paglipad-lipad ng iba-ibang paruparo na nagsusuri sa mga bulaklak, at ang iba pang maraming bagong napakaliit, napakaoriginal, napakapoetic. Pumasok ako sa gate, natutuwang pumipintig ang puso ko dahil sa nalalapit na Tet, at dahil sa maraming bagay na irereport sa akin ni Boi-Lan.

Pero halos hindi pa ako nakapapasok ng courtyard nang tumigil ako, gulat na gulat. Sa bukana nakasandig sa isang poste, dumungaw si Boi-Lan na malungkot ang mukha. Hindi ko pa nakikitang ganoong kaputla ang mukha niya kundi noon lamang.

Ipinaalala sa akin niyon ang bulaklak ng gumamela na bugbog sa sikat ng araw sa katanghalian.

Bigla kong nasabi:

“Boi-Lan! Anong problema? Ano’ng nangyari?” Bumaba ng hagdanan si Boi-Lan, at malungkot na sumagot habang nakahilig sa puno ng mansanas:

“Ipinagbili ng Lolo ang ...”

“Ang ano?”

Mabilis na kumurap ang mata ni Boi-Lan. Nakita kong ibig niyang umiyak. Inulit ko:

“Ipinagbili ng Lolo ang ano?”

“Ang dalawang paso ng orchids.”

Gulat, nasabi ko: “Hindi totoo ‘yan. Nahihilo ka lang o kaya’y binibiro ka lang ni Lolo. Hindi niya kailanman ipinagbibili ang mga orchids na ito. Kung gusto niyang ipagbili iyon, ginawa na sana niya iyon noon pang isang araw. Pero bakit n’ya ipinagbibili iyon?”

Umiling si Boi-Lan.

“Oo. Ipinagbili niya iyon sa mamang naparito noon isang araw. Kung ayaw mong maniwala, punta ka sa likuran at malalaman mo.”

Mabilis akong pumunta sa bakuran sa likuran. Kahit na nga serious ang pagsasabi ni Boi-Lan, hindi ako makapaniwala sa isang napakaimposibleng bagay na iyon pagkat naiintindihan ko ang ugali ng matandang scholar at ang pagmamahal niya sa mga bulaklak na iyon. Kahit na malaki ang kagustuhan niyang magkapera, balewala pa rin ito sa pride ng isang taong malaki ang pagtingin sa buhay na espirituwal. Para sa matandang scholar, ang magbili ng bulaklak ay nakahihiya gaya rin naman para sa sinuman na ang pag-aalaga ng mga bulaklak ay halos isa ng relihiyon. At ang mga bulaklak na ito ang pinakamaganda sa kaniyang hardin. Malaki nang atensiyon ang ibinibigay ng maglolo sa pag-aalaga sa mga iyon para sa Tet. Naisalin ng Lolo ang parte ng kaniyang kaluluwa sa mga bulaklak at minahal niya ito nang parang isang inang nagmamahal sa kanyang mga anak.

Bukod doon, kahit na nga mahirap, salamat sa pagtitipid at sa pag-aayos na nagawa ng matandang scholar sa mga gastos sa bahay, hindi siya kinukulang sa mga talagang unang kailangan puwera na lang kung magkaroon ng emergency. Pero sa loob ng maraming buwan, wala namang kasamaang-palad ang inaabot ng pamilya ng matandang scholar. Akala ko’y nagkamali lang sa pag-intindi si Boi-Lan, o kaya’y binibiro nga ng matandang scholar ang kaniyang apo. Pero nang pumunta ako sa bakuran sa likuran, lalo akong naguluhan nang marinig ko ang usapan ng matandang scholar at ang isang di-kilalang tao. Itong huli’y maaaring mga singkuwenta anyos at dahil sa _ at ang mukha, nagparang isang baboy siya. Nakabalot siya sa damit na satin na napakasikip para sa kaniya, ang mga pinagtahian ay mukhang anumang oras ay bubuka. Malaki ang tiyan niya na bagay sa kaniyang makapal na mukha at ang gilid ng mga mata ay malangis.

Huminga siya nang malalim at nagsalita:

“Sir, kung ipinagbili ninyo iyan sa akin noon huling tumawad ako, mabuti sana ang nangyari. Nasa inyo na sana ang pera, at ako... ang sadya ko’y tapos na sana. Pero ngayon po, hindi po mauulit ang alok ko noong isang araw.”

Napakunot ang noo ng matandang scholar.

“Ngayon, ano’ng pwede mong ibayad?”

“Sir, ang totoo po, kung ipinagbibili ninyo iyan nang mura... mapipilitan po lang akong bilhin iyan. Kung iyong dating presyo pa po, iiwan ko na lang po sa inyo.”

Matapos magsalita, natawa ang taong di-kilala, kaya nakita ang dalawang hanay ng mga ngiping hindi pantay-pantay at panay ginto. Ang kaniyang hitsura, ang kaniyang pagsasalita ang ikinagalit ko sa kaniya. Alam kong “Opo” siya nang “Opo” madalas dahil ugali na, sa mga taong iyon na pumapasok sa bakuran ng mga dakilang tao sa likuran at talagang wala naman siyang respeto sa matandang scholar. Sa mukha ng lalaking iyon nakita ko ang kasiyahan at kahit ng nga bata, naramdaman kong nagsasabi siya ng matamis-maasim na kung ano-ano sa matandang scholar para mapagtakpan ang katotohanang itinaboy siya sa bahay noong isang araw. Natatakot akong baka magalit ang matandang scholar. Pero maganda pa rin ang pakiharap ng matanda. Nakita kong kinagat niya ang labi sa baba at saka mabagal na sumagot:

“Sabihin mo na ang tawad na gusto mo. Ipinagbibili ko sa iyo.”

Itinaas ng lalaki ang mukha niya at idinilat ang singkit niyang mata at tiningnan ang matandang scholar.

“Opo, opo, sir... Baka makabubuting i-_ x price n’yo na. Masyadong delikado ho para sa akin ‘yan.”

Nilaro ng matandang scholar ang kanyang balbas, tiningnan ang dalawang paso ng orchids at nagsabi:

“Ibababa ko ng limang piaster ang presyo. Mababa na iyon. Pero may dapat pa akong gawin agad, at kailangan ko... kung hindi...”

Tumawa muli ang bumibili, kaya nakita ang lahat ng kanyang ngipin.

“Opo, iyan na nga ho... Ang tao nga namang katulad ninyo, na masyadong mahal ang bulaklak, ay hindi kailanman nag-iisip na magbili niyan. Aba, opo, tama lang maganda nga po para sa akin na may gagawin pa kayo agad-agad. Kaya nga po ba sir, karangalan ko nga po ang ipatawag ninyo ako. Pero ang totoo po sir, napakataas pa rin ng presyong ito, at kung tatawad pa ako sa inyo, hindi na po yata maganda. Kaya nga po sir, ipagpatawad ninyong huwag ko nang bilhin.

Tiningnan ng matandang scholar ang lalaki, hindi makapaniwala. Namula nang kaunti ang kaniyang mukha at mariing kinagat pa ang labi sa ibaba, nang para bang ayaw na niyang makipag-usap sa lalaki. Pero nang yumukong mabuti ang mama sa pagpapaalam, umubo ang matandang scholar para ayusin ang boses at nagsabi.

“Ibababa ko pa ng sampung piaster ang presyo.”

Tumigil ang lalaki at sabi nito: “Opo, sir, magbabayad po ako ng tatlumpung piaster kung payag kayo... sir.”

Namutla ang matandang scholar. Sa kaniyang mga mata, na medyo napadilat, sa likod ng salamin, nakita ko ang galit, ang pagkondena, at ang pagdurusang dumudurog sa kaniyang puso. Masyadong sinugatan ng walang modong pakikiharap ng mababang klaseng lalaking iyon ang kaniyang pride. Nanginginig ang kaniyang kamay nang iunat niya ito para abutin ang isang bahay ng posporo sa tabi. Narinig kong sagot niya, sabay ang malalim na buntong-hininga.

“O, sige, kunin mo na ang mga bulaklak.” Sa malapit sa akin, bumulong nang hindi nasisiyahan ang matandang utusan.

“Talagang magnanakaw yan! Talaga namang gusto pa niya ng mga bulaklak na ito.

Noong huling beses nga, pinipilit niyang—nakaluhod pa—na makuha ang bulaklak. Ngayong may oportunidad na siya, saka siya magmamatigas. Alam niyang hindi papayag ang matandang scholar sa iba pang hihingin niya, kung hindi, tatawad pa siya.”

Matapos mailabas ng mamimili ang dalawang paso ng orchids, sumandal sa isang kutson ang matandang scholar, walang kagalaw-galaw na gaya ng isang estatuwa.

Tiningnan niya ang isang paldo ng mga papel de bangko sa isang tray ng nganga, saka tumingin sa ibang dako, nasa noo ang mga kamay. Nagbuntunghininga siya nang malalim. Akala ko’y babagsak siya. Buhat sa labas, madaling tumabi sa matandang scholar si Boi-Lan. Tiningnan niya ang matanda, tiningnan ang mga papel de bangko at saka ang lugar na pinagkunan sa dalawang paso ng orchids.

“Sira na ang Tet. Wala nang tamang orchids para sa Tet ang Lolo. Bakit ba ninyo ipinagbili iyon? May biglang kumislap sa mga mata ng matandang scholar.” Ang buong nayon ay naghihirap dahil sa sunog. Isa’y nawalan ng ama, ang kabila’y asawa. Naging abo ang mga bahay. Paano mo pa kasisiyahan ang mga bulaklak? Ganyang naghihirap na mabuti ang kapwa, kasisiyahan mo pa ba ang mga bulaklak? Tumindig siya nang makita niya ako.

“A, ikaw nga iyan, Mr. Ngoc. Sige, sumama ka sa akin. Boi-Lan, akin na ang paying at ang baston ko. Huwag ka nang umiyak.”

Kumuha ang matandang scholar ng isang panyo, ibinalot doon ang mga papel de bangko at nakatangang mabuti sa kanyang baston, nagtuloy siya sa pintuan.

Sinundan ko siya. Malamig na ang hapong iyon. Hindi nga umuulan pero walang tigil sa pagbuga ang malamig na hangin. Makitid na daan ang nilakaran namin hanggang sa dulo ng nayon. At saka ko naintindihan kung bakit niya ipinagbili ang kanyang mga bulaklak. May tatlong araw ang nakaraan, nilamon ng apoy ang isang parte ng nayon.

Dalawa ang namatay at apat o limang pamilya ang nawalan ng kanilang tahanan at ariarian.

Sa daan, sabi ng matandang scholar sa akin:

“Kawawang Boi-Lan! Tama ngang umiyak siya. Pero ano pa’ng magagawa ko? Ang matuwa sa mga bulaklak ay isang kasiyahang kumakalma at nagtataas sa kaluluwa, at hindi dapat na maging para sa sarili lamang. Tinuturuan ng relihiyon ng mga bulaklak ang mga tunay na naniniwala na mahalin ang kanilang kapwa. Hindi naman makasarili ang mga bulaklak. Bango, kulay, lahat ay ibinibigay nila sa buong mundo bago sila mamatay. Inilagay ng Lumikha ang malalim na kahulugan ng buhay bilang nakatagong simbolo ng pagkabulaklak ng mga bulaklak. Ang magmahal sa mga bulaklak nang hindi
nagmamahal sa kapwa ay totoong terible.”

Yumuko ang matanda para damputin ang isang sangang matinik na nahulog sa daanan.

Itinapon niya ito sa tabi at nagpatuloy:

“Sa mga araw na ito, dahil sa mga biktima ng sunog, hindi ako makatulog. Pinaghihirap ako ng kanilang masamang kapalaran. Gaya ng alam ninyo, mahirap ang pera sa unang buwan. Saan ako kukuha, nang tama sa oras, ng kailangang pera kung hindi ako magbibili ng dalawang paso ng bulaklak na iyon? Ang magbili ng bulaklak ay nakahihiya. At ang makiharap sa taong nagsasamantala para maipilit ang kanilang gusto sa atin ay lalong nakahihiya. Pero kailangang isuko natin ang ating pride at ipagbili ang mga bulaklak na iyon. Madali sanang itaboy ang mga taong mapagsamantalang ito, pero ang mga biyuda’t mga ulila, ano ang kanilang kakanin? Ang magbili ng dalawang paso ng bulaklak na iyon ay dumudurog sa puso ko, nang para bang namatay ang isang pinakamamahal. Tama namang umiyak si Boi-Lan. Pero paano natin kasisiyahan ang mga bulaklak kung ang mga tao sa paligid natin ay naghihirap.

Madaling lumipas ang mahigit na sampung taon. Ang matandang scholar na si Nguyen ay lumipat na rin sa ibang mundo. Si Boi-Lan man. Ang makalangit na mabangong sangang ito ay nabali sa kalagitnaan ng kaniyang ikalabingwalong spring.

At ang matandang utusan, walang duda, ay sumunod sa kaniyang panginoon sa kanilang buhay.

Makaraan ang mahabang pagkawala, sa pagbisita kong muli sa mga dating lugar, hindi ko na malaman kung nasaan ang mga tao noong nagdaang panahon. Nawala na silang lahat, at para bang nagkaisa silang umalis nang sabay-sabay.

Ang lumang kubo na hindi na gaya ng dati ang itsura, ang hardin ng mga bulaklak na natutuyo na ay mahirap nang makilala. Pero bago tuluyang napalitan ang lahat, bago ang lahat ng mga bagay na ito’y sumama na sa nakaraan, may nararamdaman ako sa aking kalooban na nalalabi at hindi mawawala kailanman.

At ang di-mawawalang bagay na ito ang nagtutulak sa akin na huwag matulog sa magdamag para sulatin ang istorya ng dalawang pasong iyon ng orchids sa isang hardin sa nagdaang panahon.


15 komento:

  1. Maikling Kwento tapos ganito kahaba?

    TumugonBurahin
    Mga Tugon
    1. Buti nga binigay pa sayo kwento ih tapos mag rereklamo kapa dikanalang mag sumukap mag basa di mag rereklamo reklamo ka wala ka namang dulot

      Burahin
    2. maikling kuwento pa rin iyan sapagkat nababasa ito ng isang upuan

      Burahin
  2. Paki summarize naman ohh :<

    TumugonBurahin
    Mga Tugon
    1. Mag babasa ka nalang nga haysss

      Burahin
    2. Sino po ang pangunahing tao si nguyen o ang nagsasalaysay sa kwento?

      Burahin