TIYO SIMON
ni N.P.S. Toribio
Mga Tauhan:
Tiyo Simon – isang taong nasa katanghalian ang gulang, may kapansanan
ang isang paa at may mga paniniwala sa buhay na hindi maunawaan ng kaniyang
hipag na relihiyosa
Ina – ina ni Boy
Boy – pamangkin ni Tiyo Simon pipituhing taong gulang
Oras: Umaga, halos hindi sumisikat ang araw
Tagpo: Sa loob ng silid ni Boy, makikita ang isang tokador na
kinapapatungan ng mga langis at pomada sa buhok, toriko, suklay at iba pang
gamit sa pag-aayos. Sa itaas ng tokador, nakadikit sa dingding ang isang
malaking larawan ng Birheng nakalabas ang puso at may tarak itong punyal. Sa
tabi ng nakabukas na bintana sa gawing kanan ay ang katreng higaan ng bata. Sa
kabuuan, ang silid ay larawan ng kariwasaan.
Sa pagtaas ng tabing, makikita si Boy na binibihisan ng
kaniyang ina. Nakabakas sa mukha ng bata ang
pagkainip samantalang sinusuklay ang kaniyang buhok.
(Biglang
uunat ang babae, saglit na sisipatin ang ayos ng anak saka ngingiti.)
Ina: O, hayan, di nagmukha kang tao. Siya diyan ka muna at ako
naman ang magbibihis.
Boy: (Dadabog) Sabi ko, ayaw kong magsimba, e!
Ina: Ayaw mong magsimba? Hindi maa… Pagagalitin mo na naman ako,
e! At anong gagawin mo rito sa bahay ngayong umagang ito ng pangiling-araw?
Boy: Maiiwan po ako rito sa bahay, kasama ko si… si Tiyo Simon…
Ina: (Mapapamulaga) A, ang ateistang iyon. Ang… Patawarin ako ng
Diyos.
Boy: Basta. Maiiwan po ako… (Ipapadyak
ang paa) Makikipagkuwentuhan na lamang ako kay Tiyo Simon…
Ina: (Sa malakas na tinig)
Makikipagkuwentuhan ka? At anong kuwento? Tungkol sa kalapastanganan sa
banal na pangalan ng Panginoon?
Boy: Hindi, Mama. Maganda ang ikinukuwento ni Tiyo Simon sa
akin…
Ina: A, husto ka na… Husto na, bago ako magalit nang totohanan
at humarap sa Panginoon ngayong araw na ito nang may dumi sa kalooban.
Boy: Pero…
Ina: Husto na sabi, e!
(Matigil
sa pagsagot si Boy. Makaririnig sila ng mga yabag na hindi pantay, palapit sa
nakapinid na pinto ng silid. Saglit na titigil ang yabag; pagkuwa’y makaririnig
sila ng mahinang pagkatok sa pinto.)
Ina: (Paungol) Uh…
sino yan?
Tiyo
Simon: (Marahan
ang tinig) Ako, hipag, naulinigan kong…
(Padabog
na tutunguhin ng babae ang pinto at bubuksan iyon. Mahahantad ang kaanyuan ni
Tiyo Simon, nakangiti ito.)
Tiyo
Simon: Maaari bang pumasok? Nauliningan kong
tila may itinututol si Boy…
Boy: (Lalapit) Ayaw
kong magsimba, Tiyo Simon. Maiiwan ako sa iyo rito. Hindi ako sasama kay Mama.
Ina: (Paismid) Iyan
ang itinututol ng pamangkin mo, Kuya. Hindi nga raw sasama sa simbahan…
(Maiiling
si Tiyo Simon, ngingiti at paika-ikang papasok sa loob. Hahawakan sa balikat si
Boy.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento