KALIGIRANG PANGKASAYSAYAN NG NOBELA
Ang nobela
ay isang genre o uri ng panitikan ng modernong
panahon. Sa isang pagkakataon, kinilala ito bilang isang modernong pag-aanyo ng
klasikong epiko, kung saan madalas may bayaning dumaraan sa mga
pakikipagsapalaran. Sa literal na pagpapakahulugan, ang ibig sabihin ng nobela
ay “bago” (novel or
new sa
Ingles, novella sa
Latin).
Ang nobela ay madalas na ipinapaliwanag
bilang isang mahaba at kathang salaysay ng mga pangyayaring pinagsunod-sunod
upang makalikha ng isahang epekto. Sa kumbensiyonal na pamamaraan, ang nobela
ay madalas na sumusunod sa pag-unlad ng katauhan ng isang karakter. Isinasalaysay
ng mga ganitong naisulat na nobela ang mga pagkamulat—pagbabagong mabuti o masama—
ng tauhang bayani. Ang pagkamulat ay laging isang proseso ng pagharap sa mga
pagsubok, pagkakatukoy at pagharap sa pinakasuliranin, at pananagumpay (kung ipinahihintulot).
Ang nobelang Noli Me Tangere ay
maihahanay sa ganitong uri ng salaysayin sapagkat masasaksihan sa nobela ang
pagkamulat ni Juan Crisostomo Ibarra sa kabuktutan ng kolonyal na pananakop, na
noong una’y panananaligan pa niya sa mithing kilalanin ang Pilipinas bilang
ganap na bahagi ng Espanya.
Isang kakatwang katotohanan ang pagbasa
natin sa Noli Me Tangere sa pamamagitan ng salin. Hindi natin binabasa ang nobela sa
orihinal nitong wika sapagkat iilan lamang sa atin ngayon ang may kakayahang
bumasa ng Espanyol. Ngunit minahalaga itong nobela dahil sa Batas Rizal noong
1956. Ang batas na ito na kilala bilang Republic Act 1425 ay naglayong isama sa
lahat ng kurikulum ng mga paaralan ang pagpapahalaga sa pambansang bayani. Kabilang
sa mga pagpapahalagang ito ang pagpapabasa sa madla ng kaniyang dalawang
nobela. Dahil dito, nagkaroon ng malaking espasyo sa pagpapasalin ng nobela
upang mapalawak ang mambabasa nito.
Matagal nang pinagpaplanuhan ni Rizal
ang nobela at natapos lamang niya ito noong 1886 sa Berlin, sampung taon bago
sumiklab ang rebolusyon. Ipinagbawal ang pagbabasa at pagmamay-ari ng nobela
nang makarating ito sa Pilipinas ilang buwan matapos mailathala. Hindi nagustuhan
ng mga pari ang anti-simbahang sentimiyento ng nobela, bukod pa sa mga
“makabago” at “banyaga” nitong adhikaing nasagap ni Rizal at ng kaniyang mga kapanalig
sa kilusang Propaganda. Ito rin ang itinuturing na dahilan ng kaniyang
pagkakabitay sa Bagumbayan noong Disyembre 30, 1896.
Sa simula ng nobela, magandang
pagpukulan ng pansin ang siniping epigrape ni Rizal, maging ang kaniyang
paghahandog. Ang epigrape ay mula sa “Anino ni Shakespeare” ng manunulat na
Aleman na si Freidrich von Schiller. Mahalaga ang tanong na iniiwan nitong
epigrape hinggil sa abang bansang ito, na kinakatha ni Rizal sa kaniyang
nobela: “Ngunit ang tanong ko, Kaibigan,/ sinong Dakila ang lilitaw/ Sa
ganitong mga Hamak? Anong/ Kadakilaan ang mangyayari/ sa pamamagitan nila?” Sa
kaniyang paghahandog naman, inilalarawan niya na ang “nakasulat sa kasaysayan
ng pagdaralita ng sangkatauhan
ang isang kanser na may katangiang napakalubha kaya
nagpupuyos sa galit munting dimasaling at nanggigising ng matatalim na kirot.”
Marubdob ang pagnanasa ni Rizal na
itanghal ang sakit na itong dinaranas din ng bansang lagi’t lagi niyang
nililingon, lalo na nang nasa Europa siya at binabata ang lamig at pangungulila:
“nilulunggati ko ang iyong kalusugan, na kalusugan din namin, at hinahanap ang
pinakamabuting paglunas.” Ginamit niya ang talinghaga ng mga sinaunang tao na naglalantad
ng mga maysakit sa “baitang ng templo, upang makapangmungkahi ng lunas ang
sinumang dumating na mananawagan sa Bathala.”
Malinaw ang nasa ni Rizal sa pagsulat
ng nobela. Nais niyang “ilarawan” ang kalagayan ng bayan “nang buong tapat at
walang pangingimi.” Sa pagkasangkapan ng imahen ng lambong na “tumatabing sa
karamdaman,” sinisikap na ibunyag ni Rizal ang mga pagdurusa ng kaniyang bayan.
Sa buod ng mga kabanatang ito sa nobela, mamamalas ang ganitong pagtatanghal ng
kalagayang-bayan, lalo na ang paghahari ng iilan sa mga sangay ng lipunan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento